Usapang jeep naman tayo. Maikli lang naman ang biyaheng Technohub galing sa waiting shed sa tapat ng University Hotel sa UP pero hindi ko alam kung bakit nabagot ako at naghanap ang mga mata ko ng mapagkakaabalahan. Ang nabalingan ko ay ang katabi kong tomboy na nagte-text. Ayos 'to. Text...text...text... Oops. Parang may kaaway yata siya sa text: "Ano pa ba namang isasagot ko sa 'ah ganun' at 'ahaha'?! Siguro tinatamad ka nang ka-text ako. Sige na, 'wag mo na lang akong i-text. Ingat ka na lang palagi." Send.
At sumagot si ka-text. Open: "E ano bang dapat isagot ng sinasaktan mo? 'Hahahahaha', ganon?! Ok, HAHAHAHAHAHA!"
Ano daw? Ewan. Kaya naman bukod sa malapit na 'kong pumara, tinigilan ko na dahil mukhang wala nang katuturan ang mga susunod nilang palitan ng masasakit na mga kataga. Pero dahil sa sagutang aking natunghayan, naisip ko lang naman:
1.) In fairness, marami pa rin naman palang nagte-text na buo ang baybay sa mga salita. At kahit nag-aaway na sila, isinaalang-alang pa nila ang mga simpleng alituntunin ng linggwaheng Filipino na limot na dahil sa impluwensiya ng kabataang 'jejemon.' Kudos kay Ate. Este kuya. Wateber.
2.) Yun nga lang... Parang masyado naman na yata tayong nalulong sa kultura ng pagte-text na pati mga bagay na dapat pinag-uusapan nang harapan ay dinadaan na lang sa papiso-pisong komunikasyon, na madalas ay sanhi pa ng miskomunikasyon! Tsaka madaya eh. Pwedeng i-edit ang sasabihin sa text at pwede ring itanong sa katabi kung ano ba'ng dapat na reaksyon. Boo.
Ano na nga kayang nangyari? Nagbati ba sila? O cool-off muna? Ewan. Ang mas mahalagang katanungan kasi diyan ay: Ano pa nga bang ire-reply mo 'pag ang reply sa 'yo ay 'haha' o kaya ':)'? Hirap 'di ba? #
photo credit: Michigan Radio
No comments:
Post a Comment