Sunday, April 29, 2012

PUMILA LAMANG PO NANG MAAYOS

Fan talaga ako ng mga langgam. Bukod sa nakakalakad sila sa pader, kaya din nilang magbuhat ng bagay na hanggang 65 na beses ang bigat sa sarili nilang katawan. Kahit na wala silang paningin, sapat na ang pang-amoy para makarating sila sa kanilang pupuntahan. Mahusay din silang mag-impok para sa panahon ng tag-ulan. Pero higit sa lahat, marunong silang pumila.

Isang kwentong pila ang paborito ko sa lahat. Isang pulis na mula sa Vietnam ang nagbabantay noon sa isang relief center ilang araw matapos ang malagim na tsunami sa Japan noong nakaraang taon. Napakakapal ng tao, at namumutla na ang karamihan dahil sa gutom at lamig. Pagdating niya sa bandang dulo, namataan niya ang isang 7-anyos na batang walang kasama at nilapitan niya 'to. Nalaman niyang naulila ang bata dahil sa tsunami at 3 araw nang di kumakain. Dahil sa awa, kinuha niya ang rasyon ng pagkain na nasa bulsa niya at inabot sa bata. Kinuha ito ng bata, nagpasalamat, at tumakbo sa simula ng pila kung saan pinamamahagi ang mga pagkain. Inilagay niya ang pagkain kasama ng iba pang rasyon at bumalik sa pila. Sa gulat ng pulis, tinanong niya ang bata kung bakit niya ginawa yun. "Lahat naman po ay nilalamig at nagugutom. At lahat naman po ay magkakaroon din pagkakataong makatanggap ng rasyon." Aray ko.

Sabi nila, ang disiplina ang isang bagay na kulang na kulang tayong mga Pilipino, at sa pagpila pa lang ay kitang-kita na natin ito. Lahat tayo nasingitan na. At karamihan sa atin, naningit na rin. Nakikita kasi nating ginagawa ng iba kaya gagawin na rin natin. Pero galit na galit naman tayo 'pag sa 'tin na ginawa. Nahihirapan tayong pumila dahil nahihirapan tayong magpakumbaba. Ang yabang-yabang natin pag nakakalamang tayo kahit kaunti. At nadadala natin 'to hanggang sa malalaking  mga bagay.

Mahabang usapin ang simpleng pagpila --- saan nagmumula ang mabuting pag-uugali, paano naipapasa ito, at paano nasasalamin sa kaunlaran ng isang bayan ang nakagawian nang disiplina sa maliliit na bagay tulad nito. Kung gaano kahaba yun, higit pang mahaba ang panahong gugugulin para itama ang di magandang nakagawian. Kaya sa susunod na makakita ka ng pila ng langgam, isipin mo na lang kung ga'no kalaki ang utak mo kumpara sa kanila para hindi maisip na nakakahiya ka pag nangunguna ka sa pila. :) #




photo credit: bwillib via Flickr.com

No comments:

Post a Comment