Saturday, June 29, 2013

SANA KATULAD PA RIN NG DATI

"Nung estudyante pa 'ko parang ang dali-dali lang ng buhay."
"Sa dati kong trabaho mas masaya ako sa ginagawa ko at sa barkada ko."
"Nung kami pa nung ex ko mas nakikita ko yung kahulugan ng buhay ko."

Hindi ba pwedeng bumalik na lang lahat sa dati?

Simple lang naman ang sagot. Nakaraaan na nga e. Ang mga tao, pangyayari, o bagay na dumadaan sa buhay natin, meron lang isang silbi o purpose sa isang pinili at pambihirang pagkakataon. Sa ayaw mo man o sa gusto, darating tayong lahat sa puntong kailangang tanggapin ang hangganan ng ugnayan natin sa mga 'to.

Hindi ko maitatangging hindi madaling dumating sa tinatawag nating point of acceptance. Nung bata ako ayaw na ayaw ko ng pagbabago. Umiinit talaga yung ulo ko at naaapektuhan yung ibang aspeto ng buhay ko. Nung Grade 4 ako nakatikim ako ng unang line of 7 sa report card dahil lang lumipat kami ng tirahan. Mukhang ewan, di 'ba? Pero nagbabago ang panahon. Tumatanda tayo. At kasabay ng pagtanda, may mga pangyayaring nagmulat sa 'kin at tinulungan akong tanggapin na pagbabago lang ang hindi mababago sa buhay natin. Sa Inggles, 'the only permanent thing in this world is change.'

Paminsan-minsan tinatamaan pa rin naman ako ng pagkainis sa mga biglaang pagbabago at sa paghahanap ng mga bagay sa nakaraan o yung tinatawag nating nostalgia. Yun kasi yung madali e, yung nakasanayan ko na. Dun ako kumportable. Hindi ko naihanda yung sarili ko sa pagbabago. Hindi ko akalaing may pwede pa palang magbago. Minsan natatakot akong may mabago dahil takot akong hindi ko alam kung paano haharapin yun, o kung kakayanin ko bang mabuhay kasama yung pagbabago na yun.

Pero diba, wala namang isang araw na magkapareho? Araw-araw, gumigising tayo nang hindi naman talaga nalalaman kung anong pwede nating harapin sa loob ng 24 oras na yun. Pero sa dami ng panibagong 24 oras na binibigay sa 'yo sa loob ng 20 o 30 o 40 na taon, buhay ka pa rin naman hanggang ngayon diba? May mga pagkakataon lang na kailangan nating masaktan para matuto o maging mas malakas, dahil hinahanda tayong tanggapin at pahalagahan ang mga darating pang mas magaganda at malalaking pagkakataon sa buhay mo.

Hindi kita sisisihin kung ilang taon na kayong break ng ex mo at hindi ka pa rin handang buksan ulit ang puso mo. O kaya naman ilang taon ka nang lumipat ng trabaho at tinatanong mo pa rin sarili mo ba't mo ginagawa yung ginagawa mo ngayon. O kung ilang taon ka nang malayo sa isang lugar at nagagalit ka pa rin pag naaalala mo yung masasakit na pangyayari dun. Pero ikaw rin ang pipili kung hanggang saan at kailan mo gustong kaladkarin ang mga pambihirang pagkakataong matagal nang dapat natapos sa buhay mo.

At gusto kong tapusin 'to sa pagbabahagi ng isang pambihirang palitan ng linyang hinding hindi ko makalimutan sa isang pelikula ni Mike Sandejas, ang "Tulad ng Dati":

Teddy: "Anong gagawin mo pag may isang bagay na nawala?"
Jett: "Hahanapin."
Teddy:"Pag di mo mahanap?"
Jett: "Papalitan."
Teddy: "Pag di mo mapalitan?"
Jett: "Kakalimutan."
Teddy: "Pag di mo makalimutan?"
Jett: "Tatanggapin." #

No comments:

Post a Comment