Monday, July 9, 2012

NUNG MINSAN AKONG NAUPO



'Pag ba napagdesisyunan mo munang umupo at magpahinga, nag-aaksaya ka na agad ng oras?
Minsan kasi 'di ba parang napapagod ka rin? Yung gusto mo lang tumigil muna. Pwede rin namang may nag-udyok sa 'yo. Pero 'wag na natin palalimin. Basta minsan napapagod ka lang.

Basta? Hindi rin. Hindi naman basta tinatanggap ang dahilang 'basta.' Lahat daw ng nararamdaman, may tamang pinanggagalingan. Ang sa 'kin naman, bakit mo kailangang malaman? Kahit gusto mo, hindi ko ipapaliwanag. Hindi lahat ng bagay pinapaliwanag. Kaya kung ako sa 'yo, intindihin mo na  lang ako.

Intindihin? Hindi naman kasi lahat ng bagay nauunawaan eh. May mga bagay na mahalaga sa 'yo pero hindi naman sa 'kin. At may mga bagay na mahalaga sa 'kin na hindi naman sa 'yo. Ganun talaga ang mundo. Natural lang sigurong maghulaan ang mga tao.

Nahulaan mo na ba ang nararamdaman ko? 'Wag na. Pinapagod mo lang ang sarili mo. Siguro diyan ka na lang, tapos hayaan mo na lang din ako dito. Tatawagin na lang kita 'pag kakailanganin ko na talaga ng tulong mo. O sabihin na nating hindi ko lang talaga sigurado kung matutulungan mo 'ko.

Teka, iniisip ko kung anong tulong ba ang kailangan ko. Nasabi ko naman na eh. Kung hindi mo nakuha 'yun hindi ko na kawalan. May mga bagay na kailangan inuulit-ulit pero may mga bagay na kailangan mong tignan sa sarili mong mga mata para magkaro'n ng katuturan.

Ang hirap maghanap ng katuturan 'no? Minsan gawa ka nang gawa tapos mapapaatras ka bigla kasi wala naman pala siyang katuturan. Matitigilan ka tuloy. Bakit? Dahil kahit walang nagsabi, alam mong nasa katuturan ng mga ginagawa mo ang mismong katuturan mo bilang tao. Andun nga kaya?

Nung umupo ako, ikaw naman ang pinagod ko. Pasensya na ah. Ganun talaga. 'Pag ayokong mag-isip, uudyukin kong ikaw naman ang mag-isip. Siguro hindi kita mapipilit, o kung posible man, medyo matatagalan. Ano, kuha ba? Halika, hanap pa tayo ng mapapaupo. #


photo credit: ayladeeyosah






2 comments:

  1. nung minsan akong napaupo nakatulog ako sabay nanaginip at tinatawag-tawag si xabi alonso pero sa panaginip ko lang yun kasi ang akala mo umuungol ako dahil sa pancreatitis, kaya naghanap ka ng fire extinguisher at hinampas-hampas ako.

    ReplyDelete
  2. Kailan mo kami pauupuin ni Cat?

    ReplyDelete