Isang daang tibok. Pintig. Sikdo.
Sinubukan kong damhin sa aking mga daliri.
Bakit ang sa aki'y tila higit na mas marami?
Pakiusap, huminahon ka na.
Wala namang sayong nakikipagkarera.
Kahit ga'no kabilis ang iyong kumpas
Di ka makalalabas sa munti mong rehas.
Matagal-tagal ka ring hindi nagpadama.
Buwan o taon - ang huli'y kailan nga ba?
Para bumangon ang isang masidhing agam-agam,
Isang gabi lang ang aking kinailangan.
Isang gabing inilarawan ng kanyang tinig.
Kalmado, malamlam, nababalot ng lamig.
Kung paano nahulog ang buwan mula sa langit,
At nag-iwan kinabukasan ng isang mahabang guhit.
Sana ba'y 'di ko na lamang inusisa?
Ngunit ako rin para sa kanya'y balisa.
Sana ba'y hindi ko na lamang nabatid?
Kamangmangan ko'y walang buting maihahatid.
Lunes -
Para sa kanya,
Marahil isa na naman lamang
Pangkaraniwan at nakaririmarim na Lunes.
Subalit,
Ang hilahil na ito'y
Habambuhay kong papasanin
Sa hudyat ng pagsisimula ng kanyang Lunes.
Isang pangakong pilit kong ipinabitiw.
Mga himig at salitang pilit pinagsasaliw.
Sakaling makatanggap ng di inaasahang tawag
Ako ba'y matutuwa o higit na mababagabag?
Hihinto nang tuluyan ang iyong pagpintig
Dahil sa kabilang linya'y di marinig ang kanyang tinig.
Subalit ang tawag niya'y hudyat sa akin ng kamalayan, ng kalayaan.
No comments:
Post a Comment