Sana ang pag-ibig ay buhangin sa mabatong baybayin,
Kayang lunurin ng dagat,
Lamunin ng alon,
At mahugas ng alat.
Sana ang pag-ibig ay anino sa malawak na dalampasigan,
Kayang saklubin ng dapit-hapon,
Sa pagtawid ng bangka
Sa kabila ng Tulay.
Sana ang pag-ibig ay dahon sa taglagas,
Kayang dalhin ng malakas na hangin
Sa bawat paghampas nito
Sa natutuyo nang mga puno.
Sana ang pag-ibig ay niyebe sa mga sanga,
Kayang matunaw sa pagbungad
Ng isang maaraw na umaga
Sa pagsapit ng Tagsibol.
Ngunit, ang pag-ibig ay alaala.
Ang pag-ibig ay alaala ng tunog ng hampas ng alon,
Sumasabay sa bawat tibok ng pulso sa karagatan.
Ang pag-ibig ay alaala ng tanawin sa paglubog ng araw
Sa mabilis na paglisan ng dapit-hapon sa dalampasigan.
Ang pag-ibig ay alaala ng paglaglag ng mga dahon,
Naiipon sa ipu-ipo ng kahel at luntian sa Taglagas.
Ang pag-ibig ay alaala ng marahang pagpatak ng niyebe,
Tahimik na binabalot ng puti ang paligid sa Taglamig.
Ang pag-ibig ay damdamin.
Ang damdamin ay kaisipan.
Ang kaisipan ng damdamin ay isang alaala.
Ang pag-ibig, ay alaala. #
ayos..ang lalim kasing lalim ng dagat...hahaha :)
ReplyDelete"A wound to the heart is a wound to the mind" - Louise Gluck.
ReplyDeleteRight on, Gluck! :D
DeleteGanda nito, pucha. (Napamura pa.) Ganda. Brava.
ReplyDelete