Trapik.
Isang dagat ng pulang ilaw sa kahabaan
ng makasaysayang kalsada.
Pinipigilan Mo ba 'kong makarating?
Sinusubok mo ba ang aking pasensiya
sa marahang pag-usad
ng mga sasakyan sa kahabaan ng EDSA?
Drayber, pakibilisan.
Wala naman akong magagawa.
Nakaupo sa kaha ng lata,
Hihintayin na lamang ang pag-ikot
ng apat na gulong na goma.
Sabay-sabay. Sunud-sunod.
Makakarating rin tayo.
Mama, para po.
Mabilis kong nilakad ang konkretong daan.
Madilim na. Kailangang mag-ingat.
Matarik ang hagdan sa istasyon ng tren.
Tatlumpung hakbang, kailangang dalian.
Sinisiksik ang sarili sa agos ng tao ---
Pababa sila, paakyat naman ako.
II.
Narating ko ang tuktok.
Tinatanaw ko mula sa itaas
Ang dagat na kanina'y kinalulubugan ko.
Kanina, dagat, ngayon isang larawan.
Walang kilos, subalit may libu-libong kwento.
Mabilis ang aking lakad, subalit ang mata ko'y
Dahan-dahang inaalala ang isa't kalahating taong nakalipas.
May nagbago ba? Sa bilis ng aking hakbang,
Natanto kong ang mga paa ko'y di pa rin nakakalimot.
Humahakbang akong tila ang isa't kalahating taon,
Ay nangyari lamang kahapon.
Pababa, tatlumpung hakbang ulit.
Nandoon pa rin sila --- silang nag-aabot ng makulay na papel,
Sa pag-asang makakabenta ng isang unit
Sa isang gusali ng patung-patong na kahon at kapalaluan.
Nandoon pa rin siya, siyang dahil hindi nakakakita,
Ay inaawitan ang dapit-hapon ng malungkot na himig
Sa saliw ng kanyang gitara, para sa kaunting barya.
Nandoon pa rin lahat, lahat ng,
Sa loob ng tatlong taon,
araw-araw dinaanan, tiniis, kinamulatan,
at bigla-biglang iniwanan.
III.
Pero bakit nga ba,
Bakit ko nga ba ginustong
Muli itong balikan?
Sa kalagitnaan ng aking pagmamatapang,
Kinailangan ko ng sapat na dahilan.
Sabi ng isang malapit na kaibigan,
"Balikan mo kung bakit ka lumisan."
Sa isang gabing tinahak ko muli ang nakaraan,
Maaaring nahanap ko na ang kasagutan.
Pangarap, mahal kong kaibigan.
Dito nga pala ako nangarap.
Ito ang lugar kung saan aking natagpuan,
Ang mga bagay na nais kong ipaglaban,
At mga taong nauunawaan ang konsepto ko ng "kalayaan."
IV.
Malakas ang buhos ng ulan, at walang sinyales
Na ito'y hihinto anumang oras mula ngayon.
Marahil, wala pa ring ganang magpakita muli ang araw;
Subalit, panibagong araw pa rin naman ang dulot ng kinabukasan.
At kahit anong mangyari, ako'y magpatuloy.
Dadalhin ko ang bagay na natagpuan kong muli,
At itatabi sa bahaging parati kong maipapaalala sa sarili.
Huwag mo akong husgahan. Hindi ako naging ibang tao,
At hindi mo kailangang maipakiwari kung bakit
hindi mo nakitang unti-unti akong nagbabago.
Balang araw, mauunawaan mo rin ---
Kung bakit kinailangan kong dumaan sa daan mo,
Gaya ng pagtanggap ko sa katotohanang
Ako ay nasa kung saan ako nararapat sa oras na ito. #
photo by indie-writer @ Ethan Allen Pioneer
No comments:
Post a Comment