Tinanong ako nung ka-opisina ko nung isang araw. Papasok ka ba sa May 13? Sabi ko, "Oo. Bakit, anong meron?" Sabi niya, "Eleksyon." Ay putek. Oo nga 'no. Bilang isang taong nagsusulong ng pagpapalawig ng kamalayan sa nagaganap sa lipunan, nahiya ako dahil nakalimutan kong petsa nga pala yun ng eleksyon. Pero matapos ang ilang segundo, keber. "Pasok ako. Boycott naman ako eh."
Ok so sa'n naman nanggaling na bigla akong nag-boycott? Dahil nakakasuka yung mga harlem shake version ng kung sinu-sinong pulitiko sa plaza na "nangangampanya" kuno? Dahil nakakairita yung gimik ni Chiz at Heart sa telebisyon? Dahil naglipana na naman ang lumang tugtugin ng mga trapong nakakaloka dahil mula Grade 1 ka sila na yung inabutan mong tumatakbo sa Senado? O dahil nakakaloka dahil sa kabila ng lahat ng 'to, sumasabay pa si Kris Aquino?
Answer: All of the Above.
Sabi nila, yung idealismo raw ng kabataan nawawala rin yan sa paglaon ng panahon. Sabi ko, "Hindi, pag namulat ka sa tamang laban, hinding hindi yan mawawala sa 'yo." Ang yabang ko pa eh. Pero dala na rin siguro ng edad at karanasan, hindi mo pala talaga maiiwasang maging cynic na rin sa mga ganitong bagay habang tumatakbo ang panahon.
Siguro nga dahil ganoon --- tumatakbo ang panahon, pero wala namang masyadong pinapagbago ang mga tao:
- Sa mga tumatakbo, first name lang ang napapalitan pero ang apelyido, pare-pareho. Binay, Aquino, Ejercito, Angara, Abalos, Eusebio, et cetera et cetera. Yung totoo? Monarchy na ba tayo?
- Sa mga tumatakbo, pag nangampanya sa pamamagitan ng debate, ikaw pa yung talo. Yung nag-Gang Nam Style, yun yung malamang panalo.
- Sa mga tumatakbo, palakasan lang ng trip. Sa balota, makikita mo: #32. Villar, Cynthia Hanepbuhay. Yung totoo? Kelan pa naging "Hanepbuhay" ang middle name mo?
Sa totoo lang ipit ako sa gitna. Siyempre andito pa rin naman yung idealismo at pag-asang sa pamamagitan ng pagpapahayag ng boses sa pagboto, maaaring makapagdulot ng pagbabago, gaya ng pagkilos ng Yellow Army noong nakaraang eleksyon para iluklok si Noynoy. Kaso lang, kung mamumulat ka sa katotohanan, yung isang boto mong "matino," lalamunin ng sanlibong boto ng mga fans ni Escudero.
Sa'n nga ba kasi galing ang maling pagboto? Minsan kahit yung kaibigan kong akala ko deretso mag-isip, madaling naniniwala sa mga isyu sa telebisyon. Mahirap bang palalimin nang kaunti ang nakikita natin para isipin sandali kung ano ba ang intensyon ng isang kandidato sa pagtakbo? Kasalanan ba ng media, o kasalanan din natin dahil may utak naman tayo para di agad paniwalaan ang sinasabi ng media?
Marami naman kasi tayong source of information. Magbasa. Magmasid. Pumunta sa mga website tulad ng comelec.gov.ph at tignan ang sample ballots kaysa Facebook ka nang Facebook diyan. Ang hirap kasi sa karamihan sa 'tin, pag eleksyon lang nagiging Pilipino. Subukan kasi nating makialam paminsan-minsan, para naman pagdating ng eleksyon, hindi tayo nangangapa at nagpapaniwala sa gimik ng kung sinu-sinong kandidato. May isang buwan ka pa. Hindi pa naman talaga huli ang lahat. #
No comments:
Post a Comment