Thursday, January 28, 2010

KAPIT (Cut Version)

...
Sinabi ko minsan na higit sa tanong na Bakit, mas importante ang 'Paano?'. Mali pala ako. Sa kalagitnaan ng pagtuklas at pagsagot mo sa tanong na 'Paano?', imposibleng hindi mo tanungin ang sarili mo kung 'Bakit?' o 'Para Ano?'.
Para ano nga ba? Sumusulat ako dahil iyon ang nakapagpapagaan ng loob ko. Dahil umaasa akong tatamaan ng pinakamahihinahong salita ang pinakamatitigas ng puso. Umaasa akong maraming mapupukaw na damdamin, maraming isip ang mapapaandar, at maraming kamalayan ang mabubuksan sa pamamagitan ng mga titik. Sa makatuwid, umaasa ako ng pagbabago, dahil naniniwala akong malaki ang pag-asa ng bawat tao sa tulong ng ibang tao.
Gusto kong makamit ang lalim ng isang tunay na manunulat. Gusto kong marating ang isang lugar na wala pang nakakatungtong, isang lugar kung saan mararanasan kong magsakripisyo para sa pag-asa ng ibang tao. Natatakot akong aminin pero pakiramdam ko makabubuti ang paglayo sa mga bagay na ito--- alam kong sa paglayo lamang mailalapit kong muli ang aking sarili sa totoong hangarin para sa bayang ito...

Unti-unti, dahan-dahan.
Walang silbing biglain ang pag-unlad
Bilang tao, bilang lipunan.
Kapag pinanghihinaan ako't nawawalan ng lakas
Alam kong dasal lamang ang katumbas.
Walang ibang kikilos para maabot lahat ito kundi ako.

Balang araw hindi lamang panaginip o guning malay
ang kamumulatan ng aking mga mata.
Isang pangitaing mapayapa, kung saan ang paglubog ng araw
Ay kakulay ng pagsikat nito sa umaga.
Isang malawak at luntiang damuhan
Kung saan ang mga paru-paro'y nagdiriwang ng kalayaan
Kalmado ang alon sa dagat kahit tuluy-tuloy ang agos
Na nanggagaling sa bukana ng lawa.

Marahan ang tunog.
Mabango ang simoy,
Ang amoy ng pag-asa. #

No comments:

Post a Comment