Tuesday, September 8, 2015

KATIPUNAN

Dalawang nakaraan ang bumabalik sa isipan.
Isa, noong nasa rurok ng kamusmusan.
Panahong unang makita ang "mundo",
       ang inaakalang kalawakan.
Panay umaga, panay hapon.
Sa aking isip isang agam-agam
       sa susunod na apat na taon.
Panay aklat, panay sabi-sabi.
Kailan ko makikita ang mundo
       para sa aking sarili?

Sa pagitan ng tatlong taon binaybay
       ang mas malawig na daan.
EDSA sa mas kilalang tawag ng karamihan.
Subalit sa biglang tawag ng "tadhana"
Akoy' dinalang muli sa dating kalsada.
Sa pagkakataong ito ibang "ako" ang napagdili-dili
Maliban sa edad, bitbit ko
       ang libong kaisipa't damdaming kinukubli.
Sa uma-umagang pakikibaka
       sa paghihintay at pagninilay
Umuuwi gabi-gabi sa parehong rutang
       tanging ilaw at busina ang karamay.
Minsang aambon, madalas ulan at baha
Sa napakaiksing panahon ang daang ito'y
       saksi sa lahat ng hinuha.

Sa umagang bitbit ko ang ligayang walang tungo
Gaya ng ilaw na itinutok sa langit, may pinagmumulan
       subalit walang dulo.
Sa gabing pasan ko ang lahat ng hapo
Nangangarap ng isang biyaheng
       matatapos sa iilang pulso.
Sa bawat oras, hindi gabi't hindi rin araw,
Na ako'y nakalutang sa isang balintataw
Nagmumuni-muni sa susunod na hakbang
Nakatitig sa malawak na luntiang lupaing
       sa harap nama'y puno ng harang.

Isang iglap, muling kinailangang magpaalam
Isang libo't isang tagpo ang tumakas sa aking agam-agam.
Hindi ko nagawang tignan ka sa huling pagkakataon.
Ang mga tulay na sinubok ng mahabang panahon
Ang mga posteng nagsisilbing gabay
Ang mga taong ipinaubaya na sa 'yo ang kanilang buhay.

Pa-Silangan, pabalik sa aking Kabataan.
Pa-Hilaga, patungo sa aking Kinabukasan.
Magkaroon kaya muli ng ikatlong pagtatagpo?
Akin na lamang ipinikit ang mga matang
       sa pagod ay sumuko.
Sino nga ba'ng makapagsasabi, aking kaibigan?
Marahil ang butihing Hangin, kung ito'y muling aayon
       sa Kanyang kalooban. #