Saturday, March 16, 2013

SISIKAT DIN AKO

Nung isang gabi nagkaroon ako ng pribilehiyong abutan ang nanay kong nanonood ng TV bandang 8:30 ng gabi. (Oo, pribilehiyo nang makauwi ako ng gano'ng oras kasi... wag mo nang itanong kung bakit) As usual nakatutok siya sa Net 25, isang channel na malamang nilalaktawan niyong lahat dahil hindi niyo naman makikita dun si Anne Curtis o si Marian Rivera pero paborito namin ni mommy yun kasi bukod sa walang commercial, e may saysay doon ang mga palabas. So inabutan ko siyang nanonood ng Sessions --- saktong tugtugan lang yun at yung episode pa nun ay si Marco Sison at Jaya ang kumakanta. Tahimik lang kaming nakikinig, ganyan, tapos bigla niya kong tinanong ng isang epic question:

"Kung papipiliin ka kung saan mo gustong sumikat, kahit ano ah, anong pipiliin mo?"

Sabi ko sa sarili ko "Tssss madali lang yan eh. Syemps gusto ko maging sikat na writer." Kaya lang nung sasabihin ko na sa kanya, parang napaisip ako. Parang mas masaya yata maging rakstar at mamaalam sa mundo ala-Jeff Buckley. O kaya maging astronaut ng NASA. Pero gusto ko talaga magsulat sa New York Times eh. O maging Pablo Neruda ng Pilipinas. So ang sabi ko sa kanya,

"Gusto ko maging sikat na pianista."

O 'di ba? Ni wala ka ngang formal lessons at paulit-ulit lang na Fur Elise ang alam mong tugtugin eh. Tsaka duh, wala kayang pera dun. Pero masarap mangarap. Ang sarap mangarap 'pag walang nakatingin. Pero pag meron na, naiiba na ang kwento.

Nung bata tayo lagi tayong tinatanong ni teacher kung ano ang ating pangarap. Wala tayong pakundangang sasagot ng "flight stewardess!", "doktor!", "scientist!", et cetera, et cetera. E nung tumatanda ka, napapagtanto mong sa mga pinangarap mo dati,

1 - wala pala akong perang pampaaral
2 - ayaw nina mama at papa
3 - hindi naman ako dun yayaman

Pinangarap kaya nina Beethoven, Bill Gates, at Van Gogh na sumikat? O yumaman? Siguro hindi. Siguro sinunod lang talaga nila yung puso nila at ginawa ang mahal nila kaya minahal din sila ng mundo.

So magshi-shift ba 'ko from Finance to Music? Sa huli, sabi ko lang kay ma, "Wala naman po akong pangarap sumikat eh." Boom. #