Sunday, October 14, 2012

INSPIRASYON. NAKS.

*At dahil may isang mabuting kaibigang nag-request ng Tagalog, subukan natin 'to. :)

Sabi nila, 'pag bigla ka na lang nakakagawa ng mga di pangkaraniwang at magagandang mga bagay,  ikaw raw ay 'inspired.' Yung tipong may pinaghuhugutan kang kakaibang emosyon para makapagtulak sa 'yo na maging mas produktibo at makalikha ng mga bagay na hindi mo naman ginagawa araw-araw. Yung tipong puro bulaklak at rainbow at butterfly yung notebook mo, puro "Good Morning!!!" na mararaming smiley yung FB status mo, nakakapagsulat ka ng mga poetic na kung anu-ano, at mas maamo at maaliwalas daw ang dating mo. Posibleng near-death experience kahapon ang nakatagpo mo sa EDSA kaya ka ganyan. Pero pwede rin namang nag-uugat yun sa isang bagong lugar na nakabihag sa mga mata mo, isang pambihirang pangyayaring naranasan mo, o di kaya naman sa isa o mga taong nagpaparamdam nun ngayon sa 'yo.

Nung bata-bata pa ako (oo, ako na ang matanda), sa dalawang bagay lang ako nakakahanap ng springboard para makapagsulat: una, pag bad trip ako sa isang sistema, at pangalawa, pag masayang-masaya naman ako sa isang bagong karanasan. Medyo dark at ma-angst lang ang dating pag sa una ako humuhugot, pero ayos pa rin dahil mula sa negatibong inspirasyon na yun, napapag-isip mo ang iba para hamunin ang nakasanayan. 'Pag sa pangalawa naman ako humugot, nahihirapan akong ibahagi at isalarawan sa iba yung natural high na naramdaman ko mula sa adventure (o misadventure) na yun kasi pakiramdam ko kahit anong paliwanag ko, understated lang ang kalalabasan ng pinagsasasabi ko. Pero ayos pa rin, dahil may mga tao pa rin namang mahahagingan ng kaunting leksyon na napulot mo kahit papaano. 

Pero ito ngayon ang tanong: 'Pag tapos ko nang maramdaman yung mga matitinding emosyon na 'yun, may paghuhugutan pa ba ako ng inspirasyon? 'Pano 'pag gumising ako isang araw at nag-iba na lahat ng kinamamanghaan ko, nabigo ako sa mga pinapangarap ko, at iniwan na 'ko ng mga taong pinagkukunan ko ng lakas ko? Sa makatuwid, pag nailabas ko na yung inis o high ko, tapos na lang ba lahat ng yun? Masyadong short-term. Dulu-dulo, hindi ka na makatuloy.

Matapos ang mahigit na tatlong buwang hindi ako nakapagsulat dahil wala akong mapaghugutan ng isusulat kahit anong piga ko, natagpuan ko ang kagustuhang muling ibahagi ang munti kong mga saloobin sa inyo. Pero iba ang araw na ito --- dahil hindi isang bagong inspirasyon ang tumulak sa 'kin para gawin ulit 'to, kundi ang mismong kawalan nito. Bomalabs, diba? Pero yun ang punto ko.

Wala namang masamang maging 'inspired' ka sa mga bagong bagay, tao, o pangyayari sa buhay mo; kung tutuusin isa nga itong magandang bagay na dapat lang namang ibinabahagi sa maganda ring paraan. Pero saan nga ba dapat naka-ankla ang inspirasyon mo? Sa isang tao? Sa inis? Tuwa? O sa isang bagay na higit na makatutulak sa 'yong mas maging produktibo, isang bagay na hindi lamang pansamantala?

Naisip ko lang naman. Wala kasi akong mapaghugutan eh. Gusto ko lang talaga mandamay. #