Hanggang ngayon naiisip ko pa rin
Ang malawak na bukirin sa gilid ng kalsada
Isang hapong tahimik at madamdamin
Tuwing ako'y pipikit, aking nakikita
Naaamoy ko ang mainit na singaw ng lupa
Habang sinasalubong ang hanging maginaw
Wala akong naririnig kundi ang sarili
Habang kinakausap ang aking sarili
Hindi ako gumagalaw.
Wala akong kakilala.
Walang hangad kundi hanapin ang dapat hanapin.
At tapusin ang dapat tapusin.
Mahaba ang isang buong araw.
Maaalala ko maya't maya lahat ng naiwan
Sasaglit sa isip ang kagustuhang makabalik.
Subalit, ito ang pinili kong buhay
Ito ang nakuha ko sa isang tahaking mahaba.
Mabato. Malubak. Masakit sa mga paa.
Bakit hindi ko tatapusin?
Bakit hindi ko gagawin?
Ang bunga ng kalayaan
Ay kalayaan din para sa iba
Isa, dalawang tao
Hindi na mahalaga.
Ito'y magsisilbing dagundong sa tainga ng bingi
At huni ng tambuli sa tahimik na gabi
Tatawagin lahat ng makarinig
Bibigyang tinig lahat ng inuusig
Ang sakit ng kalamnan ay pansamantala
Ang bali sa paa'y muling magsasara
Subalit ang haba ng lakad ay walang katumbas
Sa isang ibong nagnanais makaalpas. #